Walking in the Shoes of My client: Kuwento ng Pag-suporta sa mga Taong may Kapansanan - CUHK MDW

What are you looking for ?

Walking in the Shoes of My client: Kuwento ng Pag-suporta sa mga Taong may Kapansanan

13 May, 2024

Isinulat ni Inna Abrogena

Inedit ni Michelle Yau

In-update noong Abril 20, 2023

Na-diagnose ba ang iyong kliyenteng may kapansanang ng autism, ADHD, kapansanan sa intelektwal, o cerebral palsy?

Marahil ay wala silang diagnosis ngunit nagpapakita sila ng matinding kahirapan sa pag-iisip o hindi nila nagagawa nang mag-isa ang pang-araw-araw na mga gawain tulad ng pangangalaga sa sarili kumpara sa iba na kaedad nila. Ang Developmental Disability ay tumutukoy sa malubhang kapansanan na mental o pisikal mula pagkabata at malamang magpapatuloy sa kanilang pagtanda kaya marami silang limitasyon sa buhay. Ito ang dahilan kung bakit talagang kailangan ng mga magulang o miyembro ng pamilya ng mga taong may kapansanan ang iyong suporta upang maalagaan sila.

 

Katulad ng pagsisimula ng trabaho para sa anumang bagong pamilya, maraming dapat matutunan tungkol sa iyong alaga, sa mga miyembro ng pamilya ng iyong amo, ang relasyon nila sa isa’t isa, at kung saan ka kailangan. Sa artikulong ito, pag-usapan natin kung paano makilala nang mas mabuti ang iyong alaga at kung paano makipag-usap sa iyong mga employer tungkol sa iyong alaga.

Kilalanin ang iyong alaga bilang isang indibidwal.

Kung hindi ka pa nakakakilala o nakapag-alaga ng taong may kapansanan, ang pagtatrabaho at pamumuhay kasama nila ay maaaring nakakalula. Halos isang dekada na akong sumusuporta sa mga taong may kapansanan at ang pinaka-kapaki-pakinabang para sa akin ay ang pagkakaroon ng mindset na, “Sila ay mga taong walang pinagkaiba sa akin.” Ibig sabihin nito ay kahit na may kapansanan ang iyong alaga, lahat tayo ay may parehong mga pangangailangan at kagustuhan—na maging masaya, mahalin, at maging ligtas. Noong sinimulan kong gamitin ang mindset na ito, hindi na gaanong nakakapagod at para bang hindi na malaking pasanin ang pagsuporta sa kanila.

 

Isa sa mga babaeng nakatrabaho ko kamakailan ay may malubhang cerebral palsy. Siya ay may napakahinang kakayahan sa pag-iisip at hindi siya makapagsalita. Hindi niya maigalaw nang mag-isa ang kanyang katawan kaya hindi niya magawa ang anumang mga pang-araw-araw na gawain nang mag-isa at gumagamit siya ng wheelchair. Napakahirap malaman kung paano makihalubilo sa kanya dahil hindi siya makasagot nang pasalita o sa pamamagitan ng pagkumpas o pagturo. Binalikan ko ‘yung mindset na wala siyang pinagkaiba sa akin at siya rin ay may parehong mga gusto at pangangailangan tulad ko. Tinatrato ko siya katulad ng pag-trato ko sa kahit sinuman. Kakamustahin ko siya at kakausapin kahit hindi siya makasagot dahil sa pag-oobserba at pakikinig niya sa boses ko, mas magiging pamilyar kami sa isa’t isa. Inabot ako ng ilang linggo ngunit sa sapat na pag-oobserba, mas naging pamilyar ako sa kanyang mga ekspresyon sa mukha at kung ano ang maaaring ibig sabihin nito. Sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanya ng iba’t ibang aktibidad na maaari niyang salihan tulad ng panonood ng mga video, pakikinig ng musika, at paggawa ng arts and crafts nang may tulong, mas nauunawaan ko ang kaniyang mga gusto at hindi gusto at nakaka-adjust ako. Ipinakikita nito na gaano man kalubha ang kapansanan ng iyong alaga, pareho pa rin sila sa atin sa maraming bagay at maaari tayong makisalamuha at bumuo ng mabuting relasyon sa kanila tulad ng sa ibang tao.

Minsan ang makakatulong din sa iyo na makilala ang iyong alaga ay sa pamamagitan ng pananaliksik at paghingi ng tulong.

Maraming taon na ang nakaraan noong nagboluntaryo ako sa isang shelter para sa mga inabandunang mga bata at binatang mga lalaking may kapansanan, at naatasan akong suportahan ang isang lalaking dinala kamakailan sa shelter matapos matagpuang nag-iisa sa terminal ng bus. Siya ay may matinding intelektwal na kapansanan ngunit walang pisikal na limitasyon. Hindi siya makapagsalita at hindi siya nagpapakita ng anumang interes sa mga gawain maliban sa mga pangunahing pang-araw-araw na pangangailangan tulad ng pagkain, pagtulog, at pagpunta sa banyo. Napakahirap noon para sa akin dahil parang hindi kami nagkokonekta at hindi niya pinapansin ang anumang aktibidad na sinusubukan kong gawin namin tulad ng pagguhit, pagkukulay, musika, o mga laro. At dahil wala siyang ID o iba pang impormasyon, hindi rin namin alam ang kanyang diagnosis at anumang bagay tungkol sa kanya. Humingi ako ng payo sa aking supervisor at ang sinabi niya sa akin ay talagang nakatulong at nagbigay sa akin ng lakas ng loob na magpatuloy. Aniya, “Naiintindihan ko na mahirap ang pagsuporta sa kanya dahil parang walang gumagana pero bigyan mo ito ng oras at huwag magmadali. Ang ginagawa mo ngayon—pagkausap sa kaniya, pagsama sa kaniya, sinusubukang makipaglaro sa kaniya—ay nakakatulong na kahit na wala kang nakikitang pagbabago sa labas.”

Kapag nag-aalaga ka ng taong may kapansanan, subukang kumonekta sa kanila bilang mga indibidwal

Pagkatapos, sinubukan kong magsaliksik kung anong mga laro ang gustong laruin ng mga taong may special needs at isa sa mga mungkahi ay ang paglaro ng mga jigsaw puzzle. Dahil sa matinding intelektwal na kapansanan ng lalaki, nag-alinlangan ako kung magagawa niya ito ngunit gayon pa man, naghanap ako ng simpleng puzzle na para sa mga bata na may 12 piraso lamang. Pinlano kong gawin ito kasama siya para matulungan siya ngunit sa gulat ko at ng lahat, alam niya kaagad kung ano ang gagawin! Nanlaki ang mga mata niya habang mabilis na gumagalaw ang kaniyang mga kamay para buuin ang mga piraso ng puzzle at hindi nagtagal ay nakumpleto niya ito! Naaalala ko ang aking pakiramdam na labis na naantig dahil napagtanto ko kung hindi namin ito sinubukan, sa paniniwalang hindi niya kaya ito dahil sa kanyang kapansanan, ay hindi namin malalaman kung gaano siya kagaling at talentado.

 

Sa kabuuan, kapag sumusuporta sa mga taong may mga kapansanan, subukang kumonekta sa kanila bilang mga indibidwal. Ang bawat isa sa kanila ay may kanya-kanyang gusto, kakayahan, at hilig katulad ninuman. At katulad natin, sila rin ay naii-stress, nababalisa, at nagkakaroon ng masamang araw. Kapag mas maraming oras ang ginugugol natin sa kanila, mas makikilala natin sila at kung ano ang pinakamabuting paraan na makipag-ugnayan sa kanila. Bigyan ito ng oras dahil hindi kailangang magmadali.

Tanungin ang mga miyembro ng pamilya tungkol sa kapansanan ng iyong alaga

Ang isa pang magandang paraan para matutunan kung paano tulungan ang iyong alagang na may kapansanan ay sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa iyong amo. Karamihan sa mga amo ay magsasabi na may kapansanan ang kanilang anak habang naghahanap sila ng kasamabahay ngunit maaaring hindi nila ibigay sa iyo ang lahat ng mga detalye bago ka magsimula sa iyong trabaho. Minsan maaaring hindi rin nila ibunyag ito sa iyo o maaaring kailangan nila ng mas mahabang panahon para masabi sa iyo ang lahat ng mga bagay na kailangan mong malaman tungkol sa iyong alaga.

 

Kung ito ang iyong unang beses na mag-aalaga ng isang taong may kapansanan, mas mabuting tanungin ang iyong amo tungkol sa mga pangangailangan ng iyong alaga para matugunan mo nang mabuti ang mga ito. Siguraduhing isulat ito sa isang notebook o papel para palagi mo itong mabalik-balikan.

 

Mga bagay na itatanong sa iyong employer:

● Ano ang diagnosis ng iyong alaga?

● Mayroon bang kondisyong pangkalusugan/medikal na kailangan mong malaman? (Hal. epilepsy)

● Mayroong gamot ba ang iyong alaga at kailan ito iniinom?

● Ano ang diyeta ng iyong alaga? Mayroon bang pagkain na dapat iwasan?

● Paano ipinapaalam ng inyong alaga ang kanilang mga pangangailangan? (Hal. ilang salita, kilos, atbp.)

● Anong mga aktibidad ang gustong gawin ng inyong ward? At anong mga aktibidad ang hindi nila gusto?

● Ano ang kinaiinisan ng iyong alaga? Ano ang nagpapakalma sa kanila kapag siya ay nagagalit?

● Ano ang kanilang pang-araw-araw na gawain?

● Sa anong mga aktibidad ang kailan ng iyong alaga ng pisikal na suporta? (hal. pagbibihis, pagpapakain, pagligo)

● Anong mga hamon sa pag-uugali ang mayroon ang iyong alaga? (Hal. pagsira ng mga gamit sa bahay, pagsigaw, paglalaro ng switch sa bahay)

Kapag may sapat na panahon ka na kasama ang iyong alaga, maaari may mga bagong bagay kang matututunan tungkol sa iyong alaga na baka bagong impormasyon sa kaniyang mga magulang o miyembro ng pamilya. Panatilihin silang updated sa mga ito; hindi lamang kapag may problema kundi pati na rin kapag ang iyong alaga ay nakagawa ng kaunting progress!

 

Bilang pagtatapos, ang pag-aalaga sa taong may kapansanan ay mahirap at kung minsan ay maaari itong maging stressful o nakakalungkot. Gayumpaman, maaari rin itong maging rewarding dahil sa kung gaano kahalaga ang iyong suporta sa iyong alaga at sa kanilang pamilya. Gumagawa ka ng tunay na positibong epekto sa buhay ng iyong alaga. Bigyan ang iyong sarili ng isang tapik sa likod para sa paggawa ng best mo para sa iyong alaga!

chat chat