Post-traumatic stress disorder (PTSD)
Ang post-traumatic stress disorder (PTSD) ay isang mental illness na nabubuo sa mga taong nakaranas ng traumatikong pangyayari o serye ng mga pangyayari o sirkumstansya at yung mga nakasaksi o nalantad sa mga traumatikong pangyayari. Ang mga traumatikong pangyayaring ito ay maaaring emosyonal o pisikal na nakakapinsala o nagbabanta sa buhay na nakakaapekto sa mental, pisikal, panlipunan, at/o espirituwal na kagalingan. Ang ilang mga halimbawa ay mga natural na sakuna, malubhang aksidente/pinsala, mga gawaing terorista, digmaan/labanan, panggagahasa/sekswal na pang-aabuso, makasaysayang trauma, karahasan mula sa asawa/kasintahan, at pananakot. Kasama sa mga sintomas ng PTSD ang mga nakalista sa ibaba sa iba’t ibang antas ng kalubhaan:
• Hindi sinasadyang paulit-ulit na alaala o pagbabalik-tanaw ng traumatikong pangyayari,
• Pag-iwas sa mga paalala at potensyal na pag-trigger ng traumatikong kaganapan,
• Mga baluktot na negatibong kaisipan tungkol sa kanilang sarili/iba o sanhi ng kaganapan,
• Pakiramdam na nakahiwalay ka sa iba,
• Kawalan ng kakayahang makaranas ng mga positibong emosyon,
• Ang pagiging magagalitin at pagkakaroon ng galit,
• Pag-uugali nang walang ingat,
• Masyadong mapagbantay at maghinala sa kanyang paligid at madaling magulat,
• Nagkakaroon ng mga problema sa pag-concentrate o pagtulog
Karaniwang makararanas ng mga ganitong sintomas ang mga tao pagkatapos ng isang traumatikong kaganapan. Gayunpaman, kung ang mga sintomas ay tumagal nang higit sa isang buwan at matindi ang pag-istorbo nito sa pang-araw-araw na pamumuhay at trabaho, maaaring magbigay ng diagnosis ng PTSD ang isang doktor. Kadalasang mararamdaman na ang mga sintomas ng PTSD sa loob ng tatlong buwan ng trauma, ngunit ang mga sintomas ay maaari ding lumitaw sa ibang pagkakataon at maaaring magpatuloy sa loob ng ilang mga buwan at kung minsan ay mga taon. Ang PTSD ay unang naobserbahan sa mga beterano ng digmaan, ngunit maaari itong makuha ng sinuman at sa anumang edad. Ang PTSD ay maaari ding mangyari kasama ng iba pang mga kondisyon tulad ng depression, paggamit ng pinagbabawal na gamot, mga problema sa memorya at iba pang mga problema sa pisikal at mental na kalusugan.
Kung mayroon kang PTSD, may mga bagay na maaari mong gawin upang makatulong na makayanan ang iyong mga sintomas at simulan ang iyong daan patungo sa paggaling.
Kapag nakakaranas ng mga flashback o iba pang nakababahalang sintomas, maaari kang gumamit ng mga techinque upang manatili ka sa kasalukuyan katulad ng pag-pokus sa iyong paghinga, pagsasabi sa iyong sarili na ligtas ka, at paglalarawan nang malakas ng mga bagay sa silid na iyong kinaroroonan. Ang paghingi ng suporta mula sa iyong pamilya o ang matatalik na kaibigan, grupo ng suporta, o mga propesyonal ay lubos ding makakatulong habang pinoproseso mo ang iyong mga emosyon at ang iyong trauma.
Kung ang isang kskilala mo ay may PTSD, maaari kang mag-alok ng suporta sa pamamagitan ng pagtatanong sa kanila kung paano mo sila matutulungan.
Maaaring hindi pa sila handang ibahagi ang lahat ng tungkol sa kanilang trauma ngunit hayaan silang ibahagi kung ano ang komportable sa kanila. Maaari mo rin silang hikayating gumawa ng mga aktibidad nang magkasama dahil may posibilidad na umiiwas sila o wala silang ganang lumabas. Kung maaari, alamin mo kung ano ang nakakapagpa-trigger ng kanilang mga sintomas upang makatulong ka na maiwasan ang mga sitwasyong ito. Maging kalmado at pasensyoso kapag nakakaranas sila ng mga flashback o iba pang sintomas. Hikayatin silang humingi ng propesyonal na tulong lalo na kung nakakaranas sila ng matinding pagkabalisa na nakakaapekto na sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Mga Sanggunian:
– https://www.mind.org.uk/information-support/types-of-mental-health-problems/post-traumatic-stress-disorder-ptsd-and-complex-ptsd/about-ptsd/#:~:text=Post%2Dtraumatic%20stress%20disorder%20(PTSD)%20is%20a%20mental%20health,not%20only%20diagnosed%20in%20soldiers.
– https://www.psychiatry.org/patients-families/ptsd/what-is-ptsd